KALIBO, Aklan – Nasa kritikal na kondisyon ang isang motorcycle rider matapos mabangga ng pampasaherong bus sa national highway na sakop ng Barangay Lalab, Batan, Aklan.
Kinilala ang biktima na isang John Mark Reodique, 22-anyos na residente ng Barangay Aranas, Balete, Aklan.
Nasa kustodiya naman ng Batan Police Station ang driver ng Ceres bus na nagngangalang Herminigildo Navato, 52, ng Magpag-ong, Batan.
Sa ulat ng Batan Municipal Police Station, habang nakabuntot ang bus sa likuran ng motorsiklong minamaneho ng biktima, bigla umano itong lumiko sa kaliwa kaya nabangga at pumailalim sa kanila.
Posibleng inakala raw ng rider na may checkpoint nang maispatan ang patrol car ng pulisya na naka-blinker sa unahan ng daan.
Nabatid na maliban sa walang suot na helmet ay wala rin driver’s license ang biktima, habang rumesponde lamang pala sa isang iniulat na komosyon ang inakala nitong checkpoint.










