Napag-alaman na hindi dating sundalo o reservist ang motorcycle rider na nakuhanan ng video habang nakikipagbuno sa isang nakasibilyang pulis sa Makati City.
Ang naturang rider na nakilalang si Angelito Rencio ay napag-alaman din ni Southern Police District director Police General Roderick Mariano, na may standing warrants sa kasong qualified theft, unsurpation of authority at iba pa.
Makikita sa video na nakahiga sa kalsada si Rencio na naka-helmet, nakaibabaw sa kanya at may hawak na baril si Police Staff Sergeant Marsan Dolipas.
Matapos naman dalhin sa himpilan ng pulisya ng Makati si Rencio, nagpakilala itong retired intelligence operative ng Armed Forces of the Philippines.
Pinayagan si Rencio umalis ng presinto para kunin umano ang mga papeles ng kaniyang baril pero hindi na ito bumalik.
Inalis na sa puwesto ang dalawang pulis-Makati na pinayagang umalis si Recio.
Naglabas naman ng pahayag ang AFP na hindi nila naging tauhan sa intel, o reservist si Recio.
Samantala, naghain na si Dolipas ng reklamong usurpation of authority, illegal possession of firearms, at resisting arrest sa Makati Prosecutors Office laban kay Recio.