-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Tinanggal sa serbisyo ang security guard matapos mabiktima ng pangho-holdap ang isang motel sa lungsod.

Nagtagumpay ang nag-iisang holdaper sa pagpasok sa loob ng motel dahil tulog ang gwardiya at wala rin itong baril habang naka-duty sa Urban Pad motel na malapit lamang sa himpilan ng Bombo Radyo Cagayan de Oro sa Corrales avenue.

Nanginginig pa sa takot ang kahera ng motel na si Michelle Raiz Factura, 27-anyos, single mom, at residente ng Purok 4, Looc Villanueva Mis Or nang makapanayam ng Bombo Radyo.

Sinabi nito na siya pa ang gumising sa kanilang gwardiya na si Art Gregory Claro, security guard ng Godswell Security Agency upang ipaalam na sila ay hinoldap.

Aabot sa mahigit P20,000 ang natangay ng suspek na armado sa .38 caliber pistol.

Ngunit, depensa naman ng gwardiya na 24 oras siyang naka-duty kung kaya’t siya’y nakatulog ng mahimbing.

Sa ngayon, tinututukan ng pulisya ang posibilidad na inside job ang nasabing pangyayari.