DAVAO CITY – Patay ang isang lalaki na mayroong kinakaharap na warrant of arrest sa kasong murder matapos umanong manlaban sa mga otoridad.
Kinilala ang suspect na si Alkhalid Jamdani, residente ng Purok 2, Km. 11, Muslim Village, lungsod ng Davao.
Inihayag ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Davao City Field Unit Head PMaj. Milgrace Driz na isinagawa nila ang joint operation dakong ala-1:30 nitong Lunes ng hapon sa bahagi ng Barangay Sasa.
Nanlaban umano ang suspect at binaril ang arresting officer gamit ang kanyang .38-caliber revolver kaya napilitan ang mga otoridad nga gantihan ito ng putok na siyang dahilan ng kanyang kamatayan.
Dagdag pa ni Driz na si Jamdani ay kinilalang No. 4 Most Wanted Person at No. 2 naman sa drugs watchlist ng Sasa Police Station.
Kasapi rin umano ang suspect sa Sabani Criminal Group na nasasangkot sa pagbebenta ng iligal na droga at gun-running operation sa Davao City at karatig na mga probinsiya ng Davao region.
Narekober mula sa posisyon ng suspect ang isang ..38-caliber revolver na may dalawang bala at isang empty shell, at anim na sachet ng pinaghihinalaang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P30,000.