-- Advertisements --

Nanawagan ang Caritas Philippines, isang Catholic social action organization, na magpatupad ng moratorium sa mga aktibidad ng pagmimina sa buong bansa na sinisisi sa malawakang pagbaha na puminsala sa mga komunidad sa Mindanao.

Inihayag ni Caritas Philippines vice president Bishop Gerardo Alminaza na ang landslide na nangyari sa Mindanao ay hindi lamang isang natural na sakuna, kundi isa itong trahedya na gawa ng tao bunsod ng kasakiman at mga iresponsableng gawain.

Una rito, inisyal na target ng Caritas na pagtuunan ng pansin ang mga relief efforts kayat pinakilos nila ang kanilang Emergency Operational Center (EOC) at nag-deploy ng inisyal na relief aid na nagkakahalaga ng P900,000 para sa mga apektadong Dioceses.

Subalit, binigyang-diin ng executive director ng Caritas Philippines na si Antonio Labiao Jr. na ito ay parang pag-bandage ng sugat nang hindi tinutugunan ang impeksyon kayat kailangan aniya ng isang sistematikong pagbabago.

Kaugnay nito, hinimok ng organisasyon ang mga Pilipino na pumili ng mga lider na tunay na naglilingkod sa mga pangangailangan ng kanilang mga komunidad.

Sinabi pa ng Caritas na ang organisasyon ay naninindigan sa kanilang pakikiisa sa mga mamamayan ng Mindanao at hinihimok ang gobyerno, mga kumpanya ng pagmimina, at lahat ng stakeholder na agad kumilos at ang moratorium aniya ay ang unang hakbang dito. (With reports from Bombo Everly Rico)