-- Advertisements --

Isinusulong sa Kamara na mabigyan ng monthly subsidy ang mga magulang na mayroong “children with disability.”
Ito ang House Bill 6743 na inihain ni Davao City Rep. Paolo Duterte, Benguet Rep. Eric Yap at iba pang kasamang mambabatas.

Sa panukala, itinutulak na mabigyan ng P2,000 na monthly subsidy ang mga “eligible” na mga magulang ng mga batang “person with disability” o PWD, na edad 21-anyos pababa.

Katwiran ng mga mambabatas, ang naturang pinansyal na tulong ay inaasahang makakatulong sa gastos at iba pang kailangan ng mga batang may kapansanan.

Maliban dito, maaaring magamit ang pera sa gitna ng patuloy na pagtaas ng “cost of living.”

Kapag naging ganap na batas, ang masasakop nito ay lahat ng mga magulang ng mga batang may kapansanan, “as verified and certified” ng Department of Social Welfare and Development o DSWD at National Council on Disability Affairs o NCDA.
Sa ilalim ng House Bill, nasa P2 billion ang isinusulong na initial na budget, at ang taunang pondo naman ay isasama sa General Appropriations.

Para naman matiyak na hindi maaabuso, naglatag ng mga parusa sa mga lalabag o mapapatunayang nanloko, gaya ng pag-enrol sa sarili bilang magulang ng batang PWD.

Sa unang paglabag, multa na hindi bababa sa P25,000 pero hindi lalagpas ng P50,000; at sa susunod na paglabag, P50,000 na multa hanggang P100,000.

Sakaling lumabag sa anumang probisyon ng implementing rules and regulations o IRR, multang P100,000 hangggang P200,000 ang parusa.