Posible rin daw masali sa listahan ng mga pinag-aaralang treatment sa COVID-19 sa Pilipinas ang “monoclonal antibodies,” ayon sa Department of Health (DOH).
Pahayag ito ng ahensya matapos bigyan ng US Food and Drug Administration (FDA) ng emergency use authorization (EUA) ang dalawang “monoclonal antibodies” sa Amerika.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, hindi malayong gamitin na rin sa mga Pilipinong COVID-19 patients ang “monoclonal antibodies” bilang treatment dahil kasali ang bansa sa Solidarity Trial ng World Health Organization (WHO).
“Itong monoclonal antibodies pinag-aaralan ng WHO sa Solidarity Trial therapeutics kung maaaring isali sa clinical trial. So aantayin natin yung pagbibigay nila ng impormasyon sa atin. Kung isasama yan, makakasama tayo doon sa participants.”
Kasali ang Pilipinas sa nasabing trials ng WHO, na nagsimula noong Mayo.
Sa ngayon wala pa naman daw nagpapasa ng aplikasyon sa Food and Drug Administration para ma-rehistro sa bansa ang US FDA-approved na “monoclonal antibodies” brands.
Pero aminado si Usec. Vergeire na ang pagkilala ng FDA ng Amerika sa naturang treatment ay maaaring magpabilis ng proseso sakaling mag-apply ito sa Pilipinas.
“Lahat ng mga technology for COVID-19 or whatever vaccines na sinasabing epektibo sa ibang bansa, kailangan pa rin pumasok sa proseso ng ating gobyerno for regulation.
“Although may tinatawag tayo na ‘reliance’ at ‘recognition’ pathways, kung saan kung ang isang produkto ay nabigyan na ng EUA sa isang bansa na may reputable regulation agency maaaring bumilis ang proseso sa ating bansa.”
Ayon sa US FDA isang laboratory-made protein ang “monoclonal antibodies.”
“That mimic the immune system’s ability to fight off harmful pathogens such as viruses. Casirivimab and imdevimab are monoclonal antibodies that are specifically directed against the spike protein of SARS-CoV-2, designed to block the virus’ attachment and entry into human cells,” nakasaad sa statement ng institusyon.