Idineklara na ng World Health Organization (WHO) ang monkeypox outbreak bilang isang global health emergency.
Ito ay matapos na makapagtala ang WHO ng mahigit 16,000 bilang ng mga kaso ng naturang sakit sa 75 mga bansa.
Sa isang pahayag ay inanunsyo ito ni WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus matapos na hindi magkaroon ng kasunduan ang kanilang committee of experts.
Aniya, batay sa kanilang assessment ay kumakalat na ang sakit na monkeypox sa buong mundo dahilan para itaas ang moderate risk sa lahat ng rehiyon maliban na lamang sa European region kung saan high risk naman ang itinaas ng organization.
Paliwanag ni Dr. Tedros, mabilis itong kumalat sa buong mundo sa pamamagitan ng new modes of transmission na inamin din niyang nahihirapan silang intindihin.
Samantala, sinasabi naman sa mga ulat na halos lahat ng tinamaan ng monkeypox sa labas ng Africa, kung saan ito unang tumama, ay nangyari sa mga lalaking nakikipagtalik umano sa kapwa lalaki.
Dahilan para magkaroon ng outbreak sa maraming miyembro ng LGBT community na una nang umalma na hindi anila nakakatanggap ng sapat na atensyon ang monkeypox tulad ng nangyari noon sa H.I.V. epidemic.
Magugunita na sa unang bahagi ng buwan ng Mayo unang napaulat ang surge ng monkeypox infections sa labas ng mga bansa sa west and Central African countries.