-- Advertisements --


Inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) na matagumpay ang mock elections para sa automated Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Idinaos ng Comelec ang mock polls mula sa 3 pilot areas na kinabibilangan ng Barangay Paliparan III at Barangay Zone II sa Dasmarinas City, Cavite; at Barangay Pasong Tamo sa Quezon City.

Sinabi ng lahat ng mga botante sa Paliparan Elementary school na ang proseso ay madali, kahit na ang ilan ay nakaranas ng pagbara ng papel nang sinubukan nilang ipasok ang kanilang balota sa Vote Counting Machine (VCM).

Kinailangan nilang ayusin muli ang papel para matanggap at mabilang ang kanilang balota.

Dahil 50 lamang ang botante sa iisang presinto na ginamit sa mock election, naging maayos ang proseso.

Sinabi ni Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco na naging matagumpay ang kanilang isinagawang proyekto.

Ang National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel) na nag-obserba sa mock elections, ay nagsabing ang automated elections para sa barangay at Sangguniang Kabataan level ay magagawa ng COMELEC.

Ang BSKE ngayong taon ay nakatakda sa Oktubre 30 at magiging manu-mano maliban sa 3 pilot site.

Ito ay bilang paghahanda sa December 2025 BSKE na inaasahan ng Comelec na gagawing fully automated.