-- Advertisements --

Nanawagan si Senator Raffy Tulfo ng mas mahigpit na screening sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na kinukuha bilang performers upang maiwasan ang human trafficking at prostitusyon.

Sa pagdinig ng Senate Labor panel, binigyang-diin ni Tulfo ang kakulangan ng masusing pagsusuri sa mga aplikanteng entertainer na papadala sa ibang bansa.

Aniya, dapat tiyakin ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na tunay na may kakayahan sa pagkanta o pagsayaw ang mga aplikante, at hindi lamang nakabatay sa pisikal na anyo nito.

Sinabi pa ng senador na maraming OFW na inaakalang papasok bilang performers ang nauuwi sa mga nightclub at nagiging biktima ng trafficking o prostitusyon.

Ayon naman kay Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Bernard Olalia, wala sa mandato ng ahensya ang mag-assess ng kakayahan ng performers, at aminado siyang hindi gaanong mahigpit ang kasalukuyang evaluation.

Pinuna rin ni Tulfo ang mga job advertisement sa social media na naghahanap umano ng “attractive, beautiful, sexy” na aplikante para sa entertainer jobs sa abroad, partikular sa Japan, at iginiit na dapat itong ipatanggal.

Bilang tugon, sinabi ng DMW na nakikipagtulungan sila sa Meta at TikTok upang alisin ang mga ilegal na recruitment posts.