Nanindigan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) jna ipagpatuloy ang window hours scheme para sa mga provincial bus.
Ito ay matapos na maging sanhi umano ng kalituhan sa mga pasahero, at bus drivers at operators ang naturang bagong polisiya.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, tila sinasadya raw ng mgq bus operators na gipitin ang mga pasahero upang muling pahintulutan na buksan ang kani-kanilang mga private terminal sa Metro Manila.
Ilang provincial bus operators daw kasi ang nagsasagawa na lamang ng operasyon tuwing gabi nang dahil sa ipinatupad na window hour scheme ngunit paglilinaw ni Artes, ang naturang patakaran ay nauukol lamang sa paggamit ng mga private terminal sa loob ng Metro Manila.
Consistent naman daw kasi ang national policy na kanilang ipinatutupads sa National Development Program na nag-uutos sa mga bus na pumapasok sa Metro Manila na tapusin lamang ang kanilang biyahe sa integrated terminals.
Matatandaan na noong March 24 ay nilagdaan ang MMDA resolution na nag-uutos sa mga provincial buses mula sa south na magbaba na lamang ng mga pasahero sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) habang ang mga bus naman na magmumula sa north ay maaaring magbaba sa North Luzon Express Terminal (NLET).
Sa ilalim din ng naturang resolusyon ay pahihintulutan ang mga nasabing bus na bumaybay sa mga pangunahing kalsada ng National Capital Region (NCR) mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw.
Layunin nito na iwasang makadagdag ang mga provincial bus sa bigat ng daloy ng trapiko na nararanasan sa EDSA.