Dalawang lalaki ang nailigtas ng mga otoridad mula sa isang brutal initiation ritual sa bayan ng Noveleta sa lalawigan ng Cavite.
Ang mga ito ay makailang ulit na binugbog bilang bahagi ng hazing rites ng naturang grupo.
Nagresulta ang operasyon ng mga otoridad sa pagkaka aresto ng sampung katao kabilang na ang apat na menor de edad.
Ayon kay Noveleta Municipal Police Station Chief, sa ilalim ng “30-Second Massacre” rites, ang grupo ang pipili ng bagong miyembro sa pamamagitan ng initiation kung saan ay bubugbogin ito ng pisikal sa loob ng kalahating minuto.
Isinagawa ang operasyon kasunod ng isang tip sa mga otoridad na mayroong pagtitipon ang nasa 50 kalalakihan sa likod bahay sa Barangay San Rafael Tres.
Ilan sa mga ito ay napaulat na nasa ibang lokasyon katulad ng Cavite City at Tanza sa parehong lalawigan.
Patuloy ang imbestigasyon at monitoring ng mga otoridad upang matukoy ang mga responsableng miyembro para hindi na maulit pa ang ganitong pangyayari.