-- Advertisements --

Naghahanda na ngayon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang maiwasan ang anumang malalang pagbaha sa buong Metro Manila.

Kasunod ito ng anunsyo ng Philippine Atmosperic, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nagsimula na nga ang panahon ng tag-ulan sa bansa.

Ayon kay MMDA general manager Frisco San Juan, sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang cleaning up operation ng kagawaran sa mga drainage canal tuwing maaraw at gayundin ang kanilang pag-iinspeksyon sa mga ito para sa mas mabilis na paghupa ng tubig sakaling magkaroon ng mga pagbaha.

Bukod dito ay sinabi rin ni San Juan na inasatasan na nila ang mga traffic enforcers na mas maging aktibo sa paghuli sa mga motoristang hindi sumusunod sa speed limit lalo na’t madulas ang kalsada tuwing umuulan.

Samantala, nakatakda namang mag-post ang MMDA ng traffic rules sa kanilang social media account bilang paalala na rin sa lahat ng mga motorista.