Ipinag-utos ngayon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes sa mga kawani ng kagawaran na makipag-ugnayan muna sa Philippine National Police (PNP) sa tuwing magsasagawa ang mga ito ng operasyon sa mga critical areas sa Metro Manila.
Ito ay upang maiwasan nang maulit pa ang nangyaring insidente sa dalawang tauhan ng MMDA na kinuyog ng isang grupo ng mga e-trike drivers habang nagpapatupad ng clearing operations sa Pasay City.
Kwento ni Artes, una na raw kasing pinagbigyan ng MMDA personnel ang e-trike driver matapos na mahuli itong nagka-counterflow pero inulit pa rin daw nito ang nasabing paglabag dahilan kung bakit kinailangan na nilang kumpiskahin ang sasakyan nito na nauwi naman sa pagkuyog sa tauhan ng MMDA.
Ngunit iginiit ng opisyal na hindi kailanman mapipigilan ng mga ganitong insidente ang pagpapatupad nila ng batas.
Sa ngayon ay dalawa sa mga nambugbog ang nakilala na habang patuloy naman na nakikipag-ugnayan ngayon sa barangay at mga opisyal ng Pasay LGU ang MMDA upang makilala pa ang ibang indibidwal na sangkot sa naturang insidente.
Samntala, plano rin ni Artes na irekomenda sa susunod na administrasyon na muling ibalik ang libreng self-defense program sa mga kawani ng MMDA tulad ng arnis at jujitsu.










