Nilinaw ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na hindi muna papayagan ang pagbi-bisikleta sa kahabaan ng EDSA, kasabay ng pagsisimula ng general community quarantine ng National Capital Region bukas, June 1.

Ayon kay MMDA general manager Jojo Garcia, hindi naman huhulihin ng kanilang mga tauhan ang mga makikitang magbi-bisikleta bukas sa EDSA.

Sisitahin at pakikiusapan lang daw ang mga ito na mag-iba ng ruta.

Inaalala raw kasi ng tanggapan ang kaligtasan ng mga bibiyahe gamit ang kanilang mga bisikleta, lalo na’t inaasahan din ang pagbabalik lansangan ng karamihan sa mga sasakyan bukas.

Nitong linggo nang mag-bukas ng 1.3-kilometrong bike lane ang MMDA sa kahabaan ng EDSA mula White Plains hanggang kanto ng Bonny Serano Avenue.

Pero agad ding isinara dahil trial lang daw ito para makita kung pwedeng maging parte ng “new normal” ang pagbibisikleta papasok ng trabaho at pagpunta sa ibang lugar.

Ayon kay Garcia, tiyak naman na magse-set up sila ng lane sa EDSA para sa mga nagbi-bisikleta, pero wala pa itong sinabi kung kailan.