CENTRAL MINDANAO – Patay ang isang myembro ng Traffic Management Unit (TMU) nang barilin ng riding in tandem suspects sa Kidapawan City.

Nakilala ang biktima na si Jefrey Atud, 31, binata at residente sa syudad ng Kidapawan.

Ayon kay P/Lt. Col. Ramel Hojilla, ang hepe ng Kidapawan City PNP, habang nakatayo lamang ang biktima sa gilid ng kalsada sa harap lamang ng Metro Kidapawan Water District sa Brgy Lanao ng lungsod nang ito ay pagbabarilin ng mga hindi kilalang suspek gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo patungo sa ‘di matiyak na direksyon.

Patay on the spot ang traffic officer nang magtamo ng tama ng bala sa ulo at dibdib.

Malaki naman ang paniniwala ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista na may kinalaman sa trabaho ng biktima ang motibo sa pamamaslang nito.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Kidapawan City PNP sa naturang pagpaslang sa traffic officer.