-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy pa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pagpatay ng mister sa sariling misis nito na kalauna’y nagpakamatay din sa loob mismo ng kanilang bahay sa Sitio Bentong, Barangay Lamlahak, Lake Sebu, South Cotabato.

Kinilala ni Barangay Kapitan Nalon ang biktima na si Marites Kali Tambukong, 36, habang ang suspek na mister nito ay si Joel Sangga Tambukong, 34, isang magsasaka at residente ng mabanggit na lugar.

Ayon kay Kapitan Nalon, ginawa pa ng suspek ang krimen sa harap ng mga anak nito.

Lumabas din sa imbestigasyon ng Lake Sebu MPS na nakahiga ang biktima sa kwarto katabi ang kanyang mga anak nang biglang dumating ang suspek na may dalang bolo at agad na inundayan ng saksak ang sariling asawa nito.

Nagtamo naman ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.

Matapos makitang patay na ang misis nito ay agad naman na sinaksak ng makailang beses ng suspek ang sarili hanggang sa binawian din ng buhay.

Humingi naman ng tulong ang anak ng mag-asawa sa kanilang mga kapitbahay ngunit hindi na naagapan pa ang mga ito.

Narekober sa crime scene ang bolo na gigamit ng suspek.

Sa ngayon selos at hindi pagkakaunawaan ng mag-asawa ang kabilang sa tinitingnang anggulo sa naturang krimen.