-- Advertisements --

VIGAN CITY – Inamin ng isa sa mga sponsor ng Miss Universe na maaaring maapektuhan ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) outbreak ang paghahanda at pagsasagawa ng nasabing pageant ngayong taon.

Ito ang inihayag ni dating Ilocos Sur Governor na ngayo’y Narvacan Mayor Luis “Chavit” Singson sa naging panayam ng Bombo Radyo.

Aniya, sa Pilipinas ay pinaghahandaan ng mga kandidatang lalahok sa kauna-unahang Miss Universe–Philippines beauty pageant ngayong taon ang kanilang magiging performance at ang posibilidad na hindi muna matuloy ang coronation sa Hunyo.

Mayroon din aniyang mga bansa na nagpahayag ng kanilang interes na mag-host ng susunod na edisyon ng pinaka-prestihiyosong beauty pageant sa buong mundo ngunit nakadepende pa ito sa magiging sitwasyon dahil sa nakakamatay na virus.