Napagdesisyunan na ng pamunuan ng Miss Philippines Earth (MPE) na bumalik sa nakagawiang on-site coronation para sa kanilang 22nd edition.
Ito’y matapos ang dalawang taon na pagdaos lamang ng virtual o online competition bunsod ng pandemya.
Pero paglilinaw ng Miss Philippines Earth organizer na si Lorraine Schuck, limitado lang ang magso-showdown sa finals gayundin ang bubuo sa production staff at audience.
“Iwas lang sa possible hawaan ng anumang sakit,“ saad ni Shuck sa ABS-CBN News.
Sa darating na Marso target simulan ng MPE ang online screening sa mga may potensyal na aplikante, hindi lang sa local regions kundi maging sa Filipino communities sa ilang bansa.
Sa pamamagitan din muna ng online huhusgahan ang performance ng mga kandidata sa pre-pageant competitions bago piliin ang Top 20 semi-finalists na silang itatampok sa finals.
Sa ngayon, ang Puerto Prinsesa sa Palawan ang isa sa napipisil na venue ng Miss Philippines Earth para sa pagbabalik ng on-site coronation sa July 2022.
Tema ngayong taon ay “Me and Fauna” kung saan sentro ang pagtalakay sa proteksyon ng mga hayop at kanilang tirahan.
Noong nakaraang taon ay umabot sa Top 8 finish ang pambato ng Pilipinas na si Naelah Alshorbaji na tubong Paranaque, habang ang kinoronahang Miss Earth ay si Destiny Wagner ng Belize.
Tatangkain ng bagong magiging kinatawan ng bansa sa Miss Earth ang pang-limang korona, sunod kina Karen Ibasco (2017); Angela Ong (2015); Jamie Herrell (2014); at Karla Henry (2008).