Muling gaganapin sa Cebu City ang Miss Asia Pacific International para sa 2026 edisyon nito, na ikalawang sunod na taon na magiging host ang tinaguriang “Queen City of the South.”
Ito na ang ika-42 edisyon ng international pageant, na itinatag sa Manila noong 1968 at kinikilalang kauna-unahang international beauty pageant na nagmula sa Asya.
Noong nakaraang taon, maalalang binalot ng takot ang mga kandidata matapos yanigin ng 6.9 magnitude na lindol ang Cebu. Sa halip na tradisyunal na patimpalak, naging sentro ito ng charity at outreach efforts kung saan nagtulungan ang mga kandidata upang tumulong sa mga naapektuhang residente.
Sa ngayon hawak ni Isabela Fernandes ng Brazil ang korona matapos ang tagumpay ni Francielly Ouriques.
Nananatiling nangungunang bansa ang Pilipinas sa kasaysayan ng pageant, na may limang korona mula nang ito’y magsimula bilang Miss Asia Quest.
Ngayong taon, dala ng patimpalak ang temang “Beauty Bridging the World,” na naglalayong pag-isahin ang iba’t ibang kultura gamit ang beauty at pagkakaisa.










