CAGAYAN DE ORO CITY – Isinugod sa pagamutan si incumbent Lopez Jaena Mayor Michael Guiterrez na tumatakbong bise-gobernador at dating Oroquieta City Mayor Jason Almonte na kandidato rin pagka-kongresista ng segundo distrito ng Misamis Occidental.
Ito’y matapos binaril ang dalawa sa loob ng conference room ng Sitio Polao, Barangay VII, Tangub City nitong gabi ng Miyerkules.
Ayon sa imbestigador na si Police Senior Master Sgt Deony Dale Alviar ng Tangub City Police Station nasa kasagsagan ng Christmas party ang grupo ni Misamis Occidental 2nd District Rep Henry Oaminal ng bigla umanong mayroong nangyari na pamamaril.
Nagdulot ng alarma ang pangyayari habang dinala naman sa Misamis University Medical Center si Guiterrez dahil nagtamo ng tama at si Almonte.
Si Oaminal ay tumatakbong gobernador ng probinsya at katuwang nito si Guiterrez habang si Almonte naman ang kakatawan sa pangalawang distrito.
Sa ngayon, hindi pa maiugnay na mayroong kinalaman sa politika ang pangyayari habang patuloy na isinagawa ng pulisya ang imbestigasyon.