Positibong itinuro ng asawa ng pinaslang na bise alkadeng si Batuan, Masbate Vice Mayor Charlie Yuson lll na driver mismo ni Philippine Charity Sweepstakes Officer (PCSO) Director Sandra Cam ang isa sa apat na sangkot sa pagpatay sa kanyang asawa.
Ayon kay Lalaine Yuson, ang dalawa sa mga suspek ay bata raw ni Cam habang ang dalawa naman ay pulis sa Masbate.
Kasabay nito, nanawagan na rin si Yuson kay Pangulong Rodrigo Duterte ng tulong para agad maresolba ang pagkamatay ng kanyang asawa.
Sa ngayon, nangangamba raw ang asawa ng bise alkalde na magkaroon ng cover up at switching ng mga suspek dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa ipiniprisinta ng PNP ang apat na suspek.
Ito ay para iligaw ang imbestigasyon ng PNP kaya pilit aniyang itinatago sa kanila at ayaw na ipakita ang mga suspek nang dalhin ang mga ito sa himpilan ng Manila Police District (MPD) Station 5.
Nanindigan ang pamilya Yuson na pulitika ang motibo sa krimen at ang pamilya ni Sandra Cam ang mastermind sa krimen.
Una nang itinanggi ni Cam ang akusasyon ng pamilya Yuson.
Kabilang sa mga pinangalan ni ginang Yuson na sangkot sa krimen ang anak ni Sandra Cam na si Marco Cam isang Purisima Martinez at Roberto Martinez.
Kahapon nang pagbabarilin ang vice mayor na ikinasigat ng dalawa nitong kasamahan sa Sampaloc, Maynila.