-- Advertisements --

Umalma ang suspended Mayor ng Bonifacio, Misamis Occidental at ang kaniyang anak na alkalde din matapos pigilan ng mga pulis na makapasok sa municipal hall dahilan na nagkaroon ng mainit na pagtatalo.

Nakuhanan ng video ang mainit na sagutan sa pagitan nina Bonifacio Mayor Samson Dumanjug at Tambulig, Zamboanga Del Sur Mayor Charlotte Dumanjug-Panal.

Binalaan ni Tambulig Mayor Panal ang mga pulis na sasampahan ng kasong Violence Against Women and Children (VAWC).

Tila nabalisa si Mayor Dumanjug-Panal sa video dahil hiniling sa kanila ng mga police officials na lumabas sa kanilang mga sasakyan para sa gagawing inspection.

Dahil dito nagkasagutan na ang mag-ama at mga pulis dahil sa pinagbabawalan silang makapasok sa loob ng municipal hall at ‘invalid’ ang pagkakasuspinde ng nakatatandang Dumanjug dahil wala pang utos si Misamis Occidental Governor Henry Oaminal, Sr.

Sinabi ni Mayor Panal magdu-duty ang kaniyang ama dahil walang inilabas na suspension order.

Samantala, nilinaw naman ni Bonifacio Municipal Police Station, Officer-In-Charge Police Major Richel Sumagang na hindi layon ng mga pulis na pigilan ang mag-amang Dumanjugs, ginagawa lamang ng mga pulis ang kanilang trabaho batay sa direktiba ng kanilang police provincial director.

Sa katunayan makikita sa video na kalmado ang mga pulis para maging mapayapa ang sitwasyon.

Ipinaliwanag lamang sa mga ito na isang security protocol ang magsagawa ng inpection sa mga sasakyang pumapasok sa Municipal Hall.

Sa kabila ng nangyaring komosyon nakapasok naman ang mag-ama sa Municipal hall at nagawa namang inspeksyunin ng mga pulis ang sasakyan.

Magugunita na nasuspinde ng 60 araw ang alkalde at ang asawa nitong si Vice Mayor Evelyn Dumanjug nuong buwan ng Oktube dahil sa reklamong overpriced, single-bidder, at substandard procurements na inihain laban sa kanila.

Ang suspension ay nagtapos nuong buwan ng Disyembre hanggang sa naglabas ang Misamis Occidental Sangguniang Panlalawigan’s ng Resolution No. 771-22 kung saan pinapatawan ng anim na buwan na suspension ang mag-asawa.

Ayon sa mga Dumanjug ang suspension ay invalid dahil sa kawalan ng order mula sa gobernador.

Ang desisyon na ibinaba ng Sangguniang Panlalawigan bilang quasi-judicial body batay sa Resolution No. 771-22, ay immediately executory.