-- Advertisements --

Hati ang mga miyembro ng minorya sa Kamara pagdating sa proposed amendments sa economic provisions ng 1987 Constitution.

Sa isang pulong balitaan kahapon, sinabi ni Marikina Rep. Stella Luz Quimbo, na isa ring ekonomista, maraming foreign investments ang hindi pumapasok sa Pilipinas dahil sa restrictive economic policies na mayroon ang bansa.

Ito aniya ang dahilan kung bakit number one ang Pilipinas sa ASEAN region na mayroong restrictive na ekonomiya.

Ayon kay Quimbo, kung maraming foreign investments ang pumapasok sa Pilipinas, magkakaroon ng improvement pagdating sa market competition, technology at bubuti rin ang employment status sa bansa.

Pero para kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, hindi dapat isinusulong ang Charter change ngayon lalo pa at problemado pa rin ang bansa sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Iginiit din nito na ilang mga bansa na ang nagpapatupad na ng protectionist measures sa halip na trade at investment liberalization, partikular na ngayong mayroong global health crisis.

Sa ngayon, dinidinig ng House committee on constitutional amendments ang Resolution of Both Houses No.2 na inihain ni Speaker Lord Allan Velasco.

Layon nitong ipasok ang pariralang “unless otherwise provided by law” sa constitutional restrictions na naglilimita sa participation ng mga foreign investors sa ekonomiya ng bansa.