Nagtala ng panibagong volcanic activity ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Mayon Volcano matapos maobserbahan ang isang minor strombolian activity noong Huwebes ng gabi.
Ayon sa ulat ng PHIVOLCS, nangyari ang aktibidad bandang 11:02 p.m. at nakuhanan ng close-up video ng Mayon Volcano Observatory at Quick Response Team.
Makikita sa video na nagbuga ng usok at abo ang bunganga ng bulkan na umabot sa tinatayang 100 metro ang taas bago tangayin papuntang west-southwest.
Sa kabila nito nanatiling nasa Alert Level 3 ang Mayon Volcano, na nangangahulugang may posibilidad ng biglaang pagputok.
Dahil dito mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometer Permanent Danger Zone upang maiwasan ang anumang panganib sa mga residente at rescue personnel.
















