-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Patuloy na minomonitor ng Department of Education (DepEd)-12 katuwang ang ibang ahensiya sa pagbabantay sa Mindanao delegation na dumalo sa dalawang aktibidad sa Northern Luzon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay DepEd-12 regional director Dr. Allan Farnazo, stranded ang nasabing mga delegado sa Clark International Airport matapos dumalo sa National Schools Press Conference (NSPC) sa Tuguegarao at National Festival of Talents (NFOT) sa Ilagan, Isabela.

Dagdag ni Dr. Farnazo na kabilang sa delegasyon ay ang mga rehiyon 10, 11, 12 at Caraga.

Isa aniyang C-130 plane ang kinomisyon upang sunduin sana ang naturang mga delegado.

Ayon kay IPHO chief Dr. Rogelio Aturdido, nag-deploy na rin sila ng mga nurse doon sa General Santos International Airport at may dala-dalang mga kit para sa pag-monitor sa temperatura ng mga darating lalo na mula sa Luzon area.

Nabatid na 222 katao ang lumahok para sa NSPC habang 170 naman para sa NFOT.

Sa ngayon as of March 15, wala pang naitatalang kumpirmadong kaso ang lalawigan ng South Cotabato mula sa 506 na mga persons under monitoring at 11 persons under investigation.