CAUAYAN CITY- Umabot sa mahigit apat na milyon ang halaga ng marijuana at shabu na ipinadala ng PDEA Region 2 sa kanilang national headquarter para sirain.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Information Officer Louella Tomas ng PDEA Region 2 na kasunod ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sirain ang mga nakukumpiskang iligal na droga ng mga otoridad ay nagbaba ng memorandum ang Director General ng PDEA na nagsasabing magsagawa ng simultaneous destruction sa lahat ng mga rehiyon.
Pero dahil walang thermal facilities sa PDEA region 2 ay ipinadala na lamang nila ang mga nakumpiska nilang droga sa kanilang national headquarters.
Ayon kay information officer Tomas, mayroong 8.7 grams ng shabu ang ipinadala na nagkakahalaga ng P50,440.00.
Sa marijuana naman ay may bigat na 39,796.8 grams na nagkakahalaga ng P4,775,616.00
Bukod dito ay mayroon ding potassium permanganate na may bigat na 300 grams.