NAGA CITY – Naging matagumpay ang isinagawang milk feeding program ng Department of Education (DepEd)-Bicol sa rehiyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Regional Director Gilbert Sadsad, sinabi nito na ang nasabing programa ay dagdag sa school feeding program batay na rin sa inaprobahan ng Senado at Kongreso na nakapaloob sa 2020 budget.
Dagdag pa nito, nagsimula lamang umano ito sa calendar year 2020 batay sa implementasyon ng batas na nagsasabing bigyan ng suporta ang local industry ng gatas na pino-produce sa komunidad. Nakapalaman aniya dito na dapat ang feeding program ay may kasamang gatas.
Ayon pa kay Sadsad, tinatayang nasa P300 to P400 million ang budget ng school feeding program bawat taon para sa mga kabataan.
Aniya, ang mga Divisin Offices ay binigyan ng budget kung saan ipinamahagi rin ito sa mga paaralan para sila na ang mag implement ng programa.
Ngunit sinabi rin ni Sadsad na hindi 100 percent bibigyan ng feeding at gatas kung saan prayoridad pa rin dito ang mga mag-aaral na kulang sa nutrisyon.
Samantala, wala pa namang reklamo mula sa mga magulang kaugnay ng nasabing programa.