Nananawagan si Finance Secretary Benjamin Diokno na i-overhaul o siyasating maigi ang military pension system sa Pilipinas.
Ipinanukala nito na magkaroon ng hiwalay na retirement at pension fund para sa military uniformed personnel (MUP).
Inilarawan pa nito ang kasalukuyang military pension system ng bansa bilang “big drain” sa pambansang pondo.
Sinabi ni Diokno na tinatayang papalo sa P848.39 billion anh magagastos ng pamahalaan kada taon para sa susunod na 20 taon para pondohan ang kaslaukuyang pension system.
Dagdag pa nito na inaasahang magpapataas ang accumulating pension liabilities sa utang ng publiko ng hanggang 25% sa taong 2030.
Inihalimbawa pa ni Diokno ang natatanggap na buwanang pension ng isang retired general na nasa P131,000 tax-free.
Saad pa ng Finance chief na maaaring makaapekto ang kasalukuyang pension system sa iba pang mga proyekto ng pamahalaan gaya ng sa sektor ng edukasyon at kalusugan.
Kaugnay nito, ayon kay Diokno nakatakdang talakayin ang naturang usapin sa kasama ang iba pang ahensiya ng gobyerno gayundin ang militar.
Sa panig naman ng Armed Forces of the Philippines, sinabi ng tagapagsalita nito na si Col. Medel Aguilar na maghahanda sila para sa konsultasyon.