Kinumpirma ng Israel Defense Forces na ipinagpatuloy na nito ang military operations laban sa militanteng Hamas sa Gaza ngayong araw matapos na labagin ng militanteng grupo ang mga kondisyon sa kasunduan para sa tigil putukan.
Ayon sa Israel military, ilang sandali bago magpaso ang 7 araw na tigil putukan, napabagsak nila ang rocket na pinakawalan mula sa Gaza habang sa kampo ng Hamas iniulat nito na nakapagtala naman ng mga pagsabog at gunfire sa northern Gaza.
Sa huling oras din bago magpaso ang tigil putukan, sinabi ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na hindi pumayag ang Hamas na palayain ang iba pang mga bihag na labag aniya sa kondisyon sa kasunduan.
Hindi aniya pinakawalan ng Hamas ang lahat ng mga kababaihang bihag gaya ng pinagkasunduan at iantake ang Israel ng rockets nitong umaga.
Matatandaan na inisyal na itinakda sa 4 na araw ang truce o tigil putukan subalit pinalawig pa ito ng dalawang beses na nagtagal ng 7 araw.
Sa loob ng 7 araw na tigil putukan, nasa 110 bihag ng hamas ang pinakawalan habang 240 Palestinian prisoners naman ang pinalaya ng Israel.
Sa kabila ng pagpapatuloy ng giyera sa pagitan ng Israel at Hamas, patuloy pa rin ang ginagawang hakbang ng mga mediator para magkaroon muli ng kasunduan sa pagitan ng 2 panig.