-- Advertisements --
Screenshot 20211002 214851 Viber

KORONADAL CITY – Pumagitna na ang militar sa lumalalang away sa pagitan ng dalawang commanders ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Sitio Kalilo Brgy. Manungkaling, Mamasapano, Maguindanao.

Ito ang kinumpirma ni Lt. Col. John Paul Baldomar, tagapagsalita ng 6th ID Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Baldomar, mga kasapi ng MILF 1O5th at MILF 118th base command ang nagkasagupa, dahil umano sa matagal nang land dispute.

Dagdag pa ng opisyal, nagsimula ang palitan ng putok noong Martes na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang kasapi ng MILF at pagkasugat ng isa pa.

Sa ngayon, nakaantabay ang pwersa ng militar, dahil sa normalization process sa pagitan ng MILF at pamahalaan, kung saan ay ipinapasakamay muna sa mga opisyales ng LGU at mga representante ng MILF ang pag-aayos ng naturang problema.

Ngunit, humupa na rin ang putukan at dahan dahan nang bumabalik sa kanilang tahanan ang nasa halos 400 mga IDPs.