-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Mariing pinabulaanan ni 1st LT Krisjuper Punzalan, Civil Military Operations kon CMO officer ng 3rd Special Forces ‘Arrowhead’ Battalion, Philippine Army ang alegasyong binaboy ng militar ang bangkay ni Jevilyn Cullamat, anak ni Bayan Muna partylist Rep. Eufemia Cullamat matapos itong masawi sa engkwentro sa Marihatag, Surigao del Sur.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ng opisyal na makakapagbigay salaysay nito ang mga kapatid ni Jevilyn lalo na’t pinagsisikapan ng militar na maibaba ng maayos ang bangkay ng 22-anyos na rebeldeng New People’s Army matapos nitong iwanan lamang ng kanyang mga tumakas na kasamahan matapos ang 45-minutong engkwentro nitong Sabado.

Dagdag ni Punzalan, kahit kaaway ng pamahalaan si Jevilyn ay nagbigay sila ng ayudang pinansyal, transportasyon at security assistance sa mga ka-anak nito para sa kanyang lamay hanggang sa ilibing na ito.

Mahigpit din ang kanilang koordinasyon sa pamilya Cullamat na kakilala na nila dahil sa mga community programs na kanilang ipinatupad na sinalihan naman ng kanyang mga kapatid.

Pinayuhan pa nila ang mga ito na hindi magpapadala sa mga isyu at mas paniwalaan ang kanilang pagkakaibigan lalo na’t kanila ng nasaksihan ang katotohanan kung sino sa dalawang grupo ang bumaboy kay Jevilyn.

Bukas naman silang tugunan ang iba pang pangangailangan ng pamilya Cullamat.