-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) Al Haj Murad na kailanman ay hindi umano itinuring ng kanilang hanay na kalaban ang militar.

Sa pagbisita ni Murad sa Camp Aguinaldo sa Quezon City, sinabi ni Murad na ang totoo nilang kaaway ay ang “paniniil” at “kawalang-hustisya.”

Inamin din ni Murad na hindi pa rin daw ito makapaniwala na makakatuntong ito at makakapasok sa loob ng kampo ng AFP.

Ayon sa MILF leader, dati raw kasi at target nitong wasakin ang lahat mga kampo ng militar dahil sa kaniyang ideolohiya laban sa gobyerno.

Nitong Lunes nang mangyari ang makasaysayang pagdalaw ni Murad sa Camp Aguinaldo kung saan binigyan pa ito ng military honor at buong puso ring tinanggap ng mga matataas na opisyal ng hukbong sandatahan.

Sinabi ni Murad, ang pagbisita niya sa kampo ng militar at ang pagbisita ni AFP chief Gen. Carlito Galvez sa Camp Darapanan noong October 6 ay hudyat na tapos na ang digmaan sa pagitan ng government forces at MILF.

Sa ngayon, magkatuwang ang AFP at MILF sa hakbang na maisulong ang pangmatagalang kapayapaan.

Naniniwala naman si Galvez na ang pakikipag-usap ang siyang solusyon para makamit ang kapayapaan lalo na sa mga conflict areas.

Siniguro ni Galvez na kahit magreretiro na siya sa serbisyo, tuloy pa rin ito sa pagsulong ng kanyang adbokasiya na pagsusulong ng usapang pangkapayapaan para matuldukan na ang armed conflict sa Mindanao.

Kinumpirma naman ni Galvez na magiging consultant siya ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) pagkatapos niyang magretiro sa December 12.