Kinalampag ng Migrante International ang Supreme Court (SC) kaugnay ng nakabinbing petisyon ng kampo ni Mary Jane Veloso na humihiling na payagan siyang makuhanan ng testimonya mula sa kulungan sa Indonesia.

Ito ay gagamitin laban sa kanyang mga recruiter dito sa Pilipinas na sina Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao.

Una rito, naghain nga ang Migrante International ng “letter of appeal” sa Korte Suprema para suportahan ang petisyon ng kampo ni Veloso.

Maalalang si Veloso ay nahatulan ng parusang bitay dahil sa Indonesia dahil sa kasong drug trafficking matapos mahulian ng 2.6 kilos ng heroin na nakasilid sa bagahe na pinadala sa kanya mula sa Malaysia noong 2010.

Ito na raw ang ikalawang beses na nagsumite ang Migrante International ng letter of appeal.

Sa susunod na linggo kasi, nakatakda ang pagdinig sa Nueva Ecija Regional Trial Court (RTC) at ito na ang huling pagkakataon na magpiprisinta ng testigo ang kampo ng prosekusyon kaugnay sa kasong human trafficking na kinakaharap ng umano’y mga recruiter nito.

Umaasa ang Migrante na sa huling pagkakataon na magprisinta ng testigo ang prosekusyon ay mapapayagan na si Veloso na magbigay ng kanyang testimonya.

Sa petisyong inihain ng mga magulang ni Veloso sa Korte Suprema, hiniling nila na baligtarin ang desisyon ng Court of Appeals (CA) na huwag payagang makuhanan ng deposition o out-of-court testimony si Veloso.

Hiniling din nila sa SC na pigilan muna ang Regional Trial Court (RTC) Branch 88 sa Santo Domingo, Nueva Ecija na ituloy ang pagdinig sa kasong isinampa laban sa mga recruiter ni Mary Jane hanggat hindi nakukuha ang kanyang testimonya sa Indonesia.

Agosto noong 2016 nang magdesisyon ang Nueva Ecija RTC na kunin ang testimonya ni Mary Jane subalit hinarang ito ng kampo nina Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao na mga recruiter ni Mary Jane sa Pilipinas.

Iniakyat ng mga abogado ng isinasakdal sa CA ang pasya ng RTC judge dahil hindi nila maisasailalim sa cross examinaton si Veloso bagay na pinaburan ng appellate court.