-- Advertisements --

Hindi umano intensyon ni Michael V na bitinin ang publiko kaugnay sa kanyang naging pahayag kung saan niya posibleng nakuha ang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Pahayag ito ng 50-year-old comedian matapos tila sisihin ng ilan sa kanyang 1.14 million YouTube subscribers sa paghina raw ng kita ng delivery services, matapos paghinalaan na sa mga delivery package niya nakuha ang deadly virus.

Ayon kay “Bitoy,” hindi sa iisang tao kundi sa buong proseso ng delivery ang kanyang tinutukoy lalo’t dumadaan mula sa seller, gayundin sa logistics facility at sa delivery rider ang kanyang in-order kaya napaisip.

“Hindi factual, puwedeng tama, puwedeng mali—ang duda ko ay sa deliveries ko nakuha ‘yung virus. Isipin nyo, bago umabot sa akin ‘yung inoder ko, nanggaling ‘yan, una, sa seller. Pangalawa, sa logistics facility. Pangatlo, dun sa mismong nagde-deliver. Pang-apat, sa guard sa lobby. Panglima, sa kasambahay namin. At pang-anim, dun sa mismong item,” paliwanag ni Michael V o Beethoven Michael del Valle Bunagan sa tunay na buhay.

“Lahat ‘yan puwedeng mangyari in 24 hours. At lahat nung anim na binanggit ko, posibleng carrier ng virus eh,” dagdag nito.

Kasabay nito ay inamin ni Michael V na hanggang ngayon ay nag-o-online shopping pa rin naman siya sa kabila panganib sa deliveries.

Gayunman, sinasamahan na niya ito ng dobleng pag-iingat gaya ng pagtiyak na malinis at virus-free ang lahat ng mga bagay na idine-deliver sa kanilang bahay.

July 20 nang ianunsiyo niyang nagpositibo siya sa COVID-19 at ibinahagi ang kanyang suspetsa sa kanyang vlog nitong August 3.

Sa ngayon, kumpirmadong fully recovered na sa virus ang aktor at una nang inihayag na sasailalim muli sa swab testing para sa target na dalawang negative PCR result upang makapag-donate ng plasma sa ibang pang COVID patient.

Samantala, nagbigay-pugay ito sa mga medical frontliners sa pamamagitan ng isang fan art.