Isang panalo na lamang ang Miami Heat para muling papasok sa NBA Finals.
Ito ay matapos nilang tambakan ng 26 big points ang karibal na Boston Celtics sa paghaharap nila kanina. Nagtapos ang laban sa score na 128 – 102.
Sa ikatlong tapatan ng dalawang koponan, hindi binigyan ng Miami ng pagkakataon ang Boston upang makalapit man lang ang huli. Sa unang kalahating bahagi pa lamang kasi ng laro, tinambakan na ng Miami ng 15 points ang Boston.
Lalo pang nabaon ang Boston sa 3rd quarter dahil sa halip na makalapit ito sa Heat, umabot lamang sa 17 points ang kanilang naipasok habang ang Miami ay nagbuhos ng 32 points.
Dahil dito, umabot sa 30 points ang kalamangan ng Miami laban sa Eastern Conference defending champion. Hindi na rin gaanong ipinasok ng Miami ang mga starter nito sa pagpasok ng 4th quarter, dahil sa laki ng kalamangan nila kontra Celtics.
Muli ay anim na players ng Miami ang tumipa ng double-digit points sa pangunguna ni Gabe Vincent na may 29 points. Habang para sa Boston, umabot lamang sa 14 points ang naipasok ni Jason Tatum at 12 points naman kay Jaylen Brown. Wala nang ibang starter mula Boston ang nag-ambag ng double-digit points.
Samantala, gaganapin muli ang Game 4 sa pagitan ng dalawa sa homecourt ng Miami.