-- Advertisements --

Mariing kinondena ng Department of Tourism (DOT) ang mga turista na di-umano ay nagdala ng pekeng COVID-19 result para lamang makapasok sa isla ng Boracay.

Base sa police reports, anim na turista ang nasa ilalim ng kanilang kustodiya matapos umamin ang isa sa mga ito sa kanilang ginawa.

Kaagad naman daw sumuko ang mga turista sa mga otoridad nang malaman na hinahanap sila ng mga pulis.

Ikinatuwa naman ng ahensya ang naging mabilis na aksyon ng Aklan provincial police sa mga suspeks.

Ayon kay Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat, hindi umano nila palalampasin ang sinumang turista na mahuhuling namemeke ng COVID-19 test results, lalo na at unti-unting binuksan ang ekonomiya ng Boracay.

Hinikayat din nito ang mga stakeholders at mga nagbabalak bumisita sa Boracay na panatilihin ang pagiging COVID-19 free ng naturang isla sa pamamagitan ng simpleng pagsunod sa mga umiiral na health protocols.