LEGAZPI CITY – Ikinatuwa ng mga transport group ang isinusulong sa ngayon na fuel subsidy para sa mga tsuper na apektado ng magkakasunod na pagmahal ng mga produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Orlando Marquez ang Presidente ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP), malaking bagay na umano ito lalo pa at tinatayang nasa P5 ang mababawas sa bawat litro ng produktong petrolyo na gagamitin ng mga tsuper.
Subalit nanindigan ang transport group na itutuloy pa rin ang P3 na hiling na dagdag singil sa pamasahe upang makasiguradong hindi malulugi ang mga tsuper.
Saka na lamang umano ito ia-atras sakaling naipatupad na talaga ang programa at nakakatanggap na ng fuel subsidy ang mga nasa sektor ng transportasyon.
Maalalang mismong ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) na ang nagpahayag na magpapalabas sila ng nasa P1 bilyon para sa pagbibigay ng ayuda sa nasa 178,000 Public Utility Vehicle (PUVs) drivers.