-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Babalik umano muli ang ilang top officials mula sa national government sa dating main battle area o pinangyarihan ng matinding bakbakan ng government state forces at grupong Maute-ISIS upang ibigay na ang mga titulo para sa libu-libong nagsilbing internally displaced persons (IDPs) sa Marawi City,Lanao del Sur sa Hunyo 2021.

Katiyakan ito sa tagapagsalita ni President Rodrigo Duterte na si Atty Harry Roque nang matanong kaugnay sa kasalukuyang sitwasyon ng infrastracture projects na ipinatayo bilang pagtugon sa naipangako ng administrasyon na mas ipapaunlad ang Marawi City mula sa nangyaring pagkasira nito epekto sa limang buwan na engkuwentro sa dalawang panig noong taong 2017.

Sinabi ni Roque na hindi bibiguin ng pangulo ang mga Maranao Muslim sa kanyang mga naipangako na tatayong muli ang kanilang lungsod katuwang ang karagdagang imprastraktura para mas lalago pa ang kanilang pamumuhay.

Inihayag ng opisyal na makailang beses rin na nakapunta sa Marawi City na mabibigo lamang ang mga kritiko ng administrasyon na pawang batikos at pino-politika ang kasalukuyang reconstruction at rehabilitation efforts ng gobyerno.

Maggugunitang nasa 60 porsyento na umano na natapos ang ilan sa mga tinatrabaho ng Task Force Bangon Marawi alinsunod sa nakasaad na programa ng administrasyon para sa taga-Marawi.

Kung maalala,nasa halos 70 na govt state forces ang nagbuwis buhay maisalba lamang ang kasarinlan ng taga-Marawi na tangka agawin ng mga terorista higit apat na taon na ang nakaraan.