ILOILO CITY – Hindi pa natukoy hanggang sa ngayon ang grupo ng mga terorista na responsable sa pamamaril sa isang simbahan sa Ondo State, Nigeria kung saan, umabot ng mahigit sa 50 katao ang namatay.
Nangyari ang pamamaril sa St. Francis Xavier Catholic Church sa Owo habang nagtitipon ang mga tao para sa Pentecost Sunday.
Ayon kay Bombo International Correspondent Reymond Epacta direkta sa Nigeria, hanggang sa ngayon, hindi pa matukoy ng otoridad kung anong grupo ng terorista ang namaril sa simbahan kahit ang kanilang numero.
Ang mga suspek ay tumakas sa lugar sakay sa kanilang mga motorsiklo.
Hindi rin matukoy kung ilan ang namatay dahil na rin sa limitadong impormasyon na binibigay ng otoridad.
Sa kabila ng sunud-sunod na unsolved mass killings sa Nigeria, hindi pa ipinapatupad ng gobyerno ang pagbawal sa mass gatherings.
Sa halip, pinapa-igting ng militar at pulisya ang kanilang pagbabantay lalo na sa mga lugar na may maraming tao.
Para sa mga tao sa Nigeria, pangkaraniwan lang ang ganitong mga krimen at inu-ugnay sa paparating na eleksyon.