BUTUAN CITY – Inatasan na ang lahat ng mga Local Disaster Risk Reduction and Management Councils ng Agusan del Norte simula kaninang alas-singko ng hapon, araw ng Linggo, ang pre-emptive evacuation sa mga high-risk areas bilang paghahanda sa mga posibleng magaganap na pagbaha at landslides.
Nakasaad ito sa inilabas na Executive Order No. 7-2021 ni Governor Dale Corvera na nagtataas sa alert status ng Emergency Operations Center ng PDRRMC, sa code red.
Kaugnay nito, ang lahat ng mga Agusanons na nakatira sa mga landslides at flood-prone areas ay kailangan ng lumikas.
Naka-alerto na rin simula pa nitong nakalipas na araw ang lahat ng 31 mga barangay ng Cabadbaran City dahil sa bantang hatid ng bagyong Auring.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Rosely Exaure, tagapagsalita ng Cabadbaran City government, alerto na rin ang mga tauhan ng City DRRMO upang syang magresponde sa mga posibleng emerhensyang magaganap.
Naka-preposition na rin ang mga national-line agencies na inatasang tumulong sa mga maa-apekuhan ng kalamidad lalo na sa pagbibigay ng mga ayuda.
Umaasa si Exaure na makakaagtala ang kanilang lungsod ng zero casualty sa paghagupit ng bagyong Auring.