-- Advertisements --

Nagpasaklolo na sa hanay ng mga sundalo si Cavite Gov. Jonvic Remulla para ipatupad ang lockdown sa probinsya bunsod ng mga naitatala pang paglabag sa panuntunan ng quarantine ng ilang residente.

Ayon kay Gov. Remulla, kakausapin niya ang mismong kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) na si Sec. Eduardo Año para mag-deploy ng dagdag na pwersa ng militar at reservists sa Cavite.

Batid daw ng opisyal na 10-porsyento pa rin ng mga residente sa kanyang lalawigan ang lumalabag sa rules and regulations ng lockdown kaugnay ng COVID-19 pandemic.

“Hinde po ako pwede magkunwari, na nararamdaman ko ang dinadaanan ninyo. Ako ay pinanganak sa ibang kalagayan. Ngunit araw araw, ang inyong dinadanas ay ang unang nasa isip ko pag gising pa lamang.”

“Napakahirap ng walang kinikita. Napakahirap na para maitawid lamang ang pangangailangan ay kailangan magsanla. Nakaka kulo Ng dugo na 90% ay na sunod sa patakaran ngunit may 10% na matigas ang ulo at baka sanhi ng lalong pagkalat ng covid-19. NAKAKAPIKON!”

Nilinaw ni Remulla na nais lang niyang matiyak ang kaligtasan ng buong lalawigan mula sa pagkalat ng COVID-19, kaya nanawagan ito ng maayos na tugon mula sa mga residente.

“Wala po sa loob ko ang manakit. Gusto ko lang patuparin ang batas para yung 10% ay tumino at ang 90% ay maisalba.”