-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Narekober ng mga tropa 17th Infantry Battalion at 501st Infantry Brigade ang ibat ibang War Materials at personal na kagamitan ng mga kasapi ng New People’s Army o NPA na nakasagupa ng militar sa Sitio Paco, Aurora, Pudtol, Apayao.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rose anne Ballad, Information and Media Specialist ng 5th infantry Division Philippine Army, sinabi niya na kabilang sa mga narekober ang isang M16 rifle na may long magazine at labing pitong bala; dalawang anti-personnel mines at dalawang back pack.

Nakasagupa ng 17th IB ang tinatayang humigit kumulang dalawampung miyembro ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley o West Front Committee.

Sa pamamagitan ng impormasyong mula sa mga lokal na residente ay natunton ng tropa ng 17th IB ang kuta ng mga rebelde na nagresulta sa dalawampung minutong sagupaan at tumakas patungo sa ibat ibang direksiyon ang mga NPA matapos ang putukan.

Patuloy ang clearing operations matapos tumakas ang mga NPA.

Walang anumang naitalang casualty sa hanay ng militar habang patuloy na inaalam kung may nasugatan sa panig ng mga rebelde.