Nakiisa ang mga Senador sa paggunita ng Araw ng Kagitingan ngayong araw, Abril 9 2024.
Pinaalalahanan ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na magsilbi ang araw na ito ng pagkakaisa ng mga Pilipino.
Ito ay para patuloy na mapagtagumpayan ng mga kababayan natin ang mga hamong kinahaharap ng bansa partikular na ang patuloy na pambu-bully ng China at tahasang pagsupil sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon pa sa senador, manatili sanang buhay sa puso at isip ng taumbayan ang dinanas na hirap at sakripisyo ng mga Pilipino sa kamay ng mga dayuhan noong ikalawang digmaang pandaigdig.
Alang-alang na rin aniya ito sa tinatamasang demokrasya ng Pilipinas ngayon.
Samantala, nangako naman si Senadora Grace Poe na magsusulong pa ng batas para sa kapakanan ng mga magigiting na beterano.
Sinuportahan nila aniya ang pagpasa ng batas noong nakaraang taon na pagdaragdag ng pensiyon ng mga beterano na may kapansanan dahil sa sakit o natamo dahil sa kanilang ginampanang tungkulin.
Sinaladuhan naman ni Senadora Risa Hontiveros at Senador Jinggoy Estrada ang mga magigiting na kalalakihan at kababaihan na patuloy na nagtatanggol sa ating soberanya sa West Philippine Sea.
Hinimok ni Senadora Hontiveros ang lahat na manatiling tumindig alang-alang sa ating kaligtasan at kapayaan ni inang bayan.
Nagpaalala naman si Senate President Pro Tempore Loren Legarda na atin ding kilalanin ang pag-usbong ng mga makabagong bayani na may adhikaing kagaya ng diwang makabayan na ipinakita ng mga bayani nating lumaban sa bataan at ang mga overseas Filipino workers na nakipagsapalaran sa ibang bansa.