-- Advertisements --

Iginiit ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na maninindigan ang mga Senador at hindi susunod sa kagustuhan ng kahit na sino para lamang maisulong nang sapilitan ang Charter change lalo na ang People’s Initiative. 

Nilinaw ni Villanueva na hindi sila tutol sa anumang pagbabago sa Saligang Batas ng Pilipinas ngunit dapat dumaan ito sa tamang proseso.

Dagdag pa, sa kasaysayan aniya ay wala pang kahit na sinong makapangyarihan ang kinayang diktahan o i-hostage ang Senado para lang sumunod sa kaniyang kagustuhan.

Hanggang sa ngayon ay wala pang umaamin mula sa mga kongresista na sila ang nasa likod ng People’s Initiative.

Samantala, sinabi naman ni Villanueva na walang malinaw na resulta ang kanilang pagtutungo kahapon sa Malakanyang at magkahiwalay na hinarap ni Pagulong Marcos ang dalawang kapulungan ng kongreso. 

Aniya, ang malinaw lamang ay iba ang posisyon ng Kamara Cha-Cha na pabor sa People’s Initiative ngunit ayaw naman ng Senado.