Nanawagan ang pangulo ng National Unity Party (NUP) sa mga senador na igalang ang panawagang people’s initiative para amyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon.
Ayon kay Camarines Sur Rep. Lray Villafuerte dapat irespeto ng mga senador ang mga nagsusulong ng people’s initiative at sundin ang magiging desisyon ng mga Pilipino na siyang boboto kung sila ay pabor o hindi sa gagawing agbabago sa Saligang Batas.
Gaya ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, sinabi ni Villafuerte na suportado nito ang ginawang paghahain ng Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 ni Senate President Juan Miguel Zubiri na naglalayong amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng Constituent Assembly.
Umaasa si Villafuerte na tutuparin ni Zubiri ang naunang pangako nito na isusulong ang RBH 6 sa halip na gamiting dahilan ang people’s initiative upang huwag itong ituloy.
“Constitutional reform via the PI route, as preserved in the 1987 Charter, is a two-step process that empowers our people to directly propose amendments, first through a petition backed by 12% of all our registered voters, with at least 3% of every legislative district represented therein,” paliwanag ni Villafuerte.
Ayon sa kongresista dapat igalang ng mga senador ang magiging desisyon ng publiko na siya ring nagluklok sa kanila sa puwesto.
“It is incumbent on us lawmakers in both legislative chambers and all other law-abiding citizens as well to respect, accept and uphold whatever the outcome of a plebiscite would be, should the present PI initiative hurdle the two-step constitutional process of amending our Charter,” sabi pa nito.
Sa kabilang dako,ayon kay Albay Rep. Joey Salceda ang nalikom na pirma ay mahigit na sa 12 porsyento ng mga botante, sapat upang magsagawa ng referendum ang Commission on Elections (Comelec) at pagbotohan kung pabor ang nakararaming botante sa nais na pagbabago.