Pare-pareho umanong boboto ang mga senador at kongresista sa panukalang amyendahan ang Konstitusyon.
Ayon kay dating House Committee on Constitutional Amendments chairperson at Ako Bicol partylist Rep. Alfredo Garbin sa ilalim ng isinusulong na People’s Initiative ibinibigay ng taumbayan sa Kongreso ang kapangyarihan na amyendahan ang Konstitusyon at bumoto na iisa.
Sinabi ni Garbin na hindi dapat hayaan ang Senado na pigilan ang Kongreso na gamitin ang kapangyarihan nito na amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng Constituent Assembly.
Ang pagboto ng magkasama ng mga senador at kongresista, ayon kay Garbin ay isang demokratikong proseso kung saan ang lahat ay mayroon lamang tig-isang boto.
Ipinunto pa ni Garbin na sa huli ay ang taumbayan ang magdedesisyon kung nais nila na maamyendahan ang Konstitusyon.
Sinabi ni Garbin na hindi ito ang unang pagkakataon kung saan boboto ng magkasama ang mga senador at kongresista.
Ganito umano ang proseso ng pagboto ng mga senador at kongresista sa pagbasura o pagpapalawig ng proklamasyon ng writ of habeas corpus, at pagbasura o pagpapalawig ng deklarasyon ng martial law, ayon sa Article VII, Section 18 ng Konstitusyon.










