LEGAZPI CITY – Pinasimulan na ng mga otoridad sa Batangas ang paglikas ng mga residente na nakatira malapit sa Bulkang Taal.
Ito’y kaugnay ng muling pag-aalburoto at pagtataas sa Alert Level 3 o magmatic unrest.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa Agoncillo Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office head na si June France De Villa, nasa 30 indibidwal agad ang nag-voluntary evacuation at patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga lumilikas.
Nangangamba umano ang mga ito lalo na ang nasa coastal barangays sa nakaambang panganib na dulot ng mga aktibidad ng Taal.
Sa Tanauan City, nakaalerto na rin ang disaster response cluster habang pinaigting ang pagbabantay upang matiyak na walang makakalusot sa danger zones.
Saad ni Jerry Laresma, city information officer ng Tanauan, na bukod sa pagpapalikas ng mga residente sa 7-km Permanent Danger Zone, nagpapatrolya rin ang mga barangay officials at kapulisan.
Namigay na rin ng N95 mask bilang proteksyon kontra sa makapal na abo at usok mula sa bulkan.
Kahapon nang makapagtala ng tinatawag na phreatomagmatic eruption ang naturang bulkan dahilan upang magtaas ng alerto ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology at magrekomenda ng evacuation.
















