Patuloy pa ring lumolobo ang bilang ng mga residenteng lumilikas sa kanilang mga tahanan sa gitna ng banta ng pananalasa ng bagyong Betty sa Pilipinas, ayon yan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Una nang sinabi ng NDRRMC na 14,908 katao ang umalis na sa kanilang mga tahanan upang matiyak ang kanilang kaligtasan habang nagdadala ang bagyong Betty ng hangin at ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa bilang na ito, 5,361 ang lumikas sa Region 3, habang 5,282 naman ang umalis sa kanilang mga tahanan sa Region 6 at mayroon ding 1,652 na lumikas sa MIMAROPA.
Samantala, sa Region 2, kung saan nagdala ng malakas na hangin ang nasabing bagyo, 2,510 ang lumikas. Mayroong 42 evacuees mula sa Cordillera Administrative Region, habang mayroong 56 evacuees naman mula sa Ilocos Region.
Kaugnay niyan, labingwalong international flights at 123 domestic flights din ang kinansela sa pagpasok ng bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sa mga daungan sa buong bansa, 53 biyahe ang kinansela, ngunit 19 sa mga ito ay nagpatuloy.
Una nang sinabi ng NDRRMC na P1,958,008 na tulong ang naibigay na sa mga naapektuhan ng naturang bagyo.