DAVAO CITY – Nanawagan ang Davao City Disaster Risk Reduction and Management Office sa lahat ng mga residente sa syudad ng Davao na kung maaari ay huwag munang maligo at manguha ng isda sa Davao River dahil sa chemical spill.
Nagpaalala si Alfredo Baluran, hepe ng CDRRMO, na iwasan muna ng mga residente ang pagligo sa mga sapang konektado sa Suawan at Davao River dahil posibleng may natapon na chemical sa nasabing sapa.
Dahil ito sa nangyaring insidente sa Brgy. Suawan, Marilog Davao City pasado ala 1 kaninang madaling araw kung saan nahulog ang isang tanker truck na kargado ng caustic soda sa bangin sa may Suawan River.
Sinabi ni PMaj. Amante L. Nozares, OIC ng Marilog Police Station, kanilang natanggap ang report pasado ala 1 kaninang madaling araw.
Base sa imbestigasyon, habang bumabyahe ang nasabing sasakyan sakay ang driver at helper, bigla na lamang umanong inagaw ang tinatahak na lane ng mga biktima sa kasalubong nitong sasakyan rason upang umiwas ang driver ng tanker truck at nabangga sa poste bago pa ito nahulog sa bangin.
Dahil sa lakas ng impact, natapon ang karga na chemical ng nasabing tanker.
Patay din ang driver ng tanker na kinilalang si Paciano Doydora, 39 anyos at residente ng Monkayo, Davao de Oro.
Habang dinala naman sa ospital ang helper na kinilalang si Jerwin Guinandam, 27 anyos, residente ng Bunawan nitong lungsod at nasa ligtas na kondisyon na ito.
Base sa report, hazardous ang natapon na chemical dahilan na kanina pa lamang umaga ay ina-alerto na ang Brgy. malapit sa pinangyarihan ng insidente.
Ngayong araw, kumuha na din ng sample ng tubig sa sapa ang mga personahe ng DENR, EMB, at sa City Health Office.
Plano din ng otoridad na agad na makuha ang tanker sa sapa ngunit kinakailangan pa umano na makuha ang karga nitong chemical upang hindi na ito matapon pa sa sapa.